LAGUNA- PALAISIPAN sa pamunuan ng Laguna PNP ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng isang police colonel na natagpuan patay at duguan sa tinutuluyan nitong condominium sa Binan City kahapon ng umaga.
Sa pahayag ni Col. Randy Glenn Silvio, Laguna police provincial director, kinilala ang biktima na si Lt. Col. Ben Isidore Aclan, dating hepe ng San Pedro City, Laguna at residente ng Binan City.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Binan city police office, nakarinig umano ng isang putok ng baril ang personal assistant ni Aclan na si Cpl. Japer Mercado mula sa kuwartong tinitigilan ng opisyal.
Agad umanong nagtungo si Mercado sa kuwarto ng biktima at doon nakita nito ang duguan at wala ng buhay na opisyal at nasa tabi nito ang isang baril na pinaniniwalaang sanhi sa pagkamatay ng opisyal.
Ayon sa mga nakalap na impormasyon ng pulisya, dalawang anggulo umano ang kanilang pinupuntirya sa ginagawang imbestigasyon na una, ang umano’y pagkakaroon ng “ illicit affair” ng opisyal sa isang kilalang pulitiko bagaman nagtatrabaho umano sa ibang bansa ang asawa ng nasawi at ikalawa, ang pressure umano sa trabaho at problema sa pamilya .
Sinabi naman ng nakakakilala sa opisyal.na mabait at low- profile lang ito at walang bisyo.
Patuloy pang kumakalap ng mahahalagang impormasyon ang mga awtoridad kung accidental firing ang nangyari o isang pagpapatiwakal. ARMAN CAMBE