CAVITE- MAKARAANG masangkot sa P1milyong robbery, nagtangkang magpakamatay ang isang police official habang nasa loob ng General Trias police station nitong Lunes ng umaga.
Kinilala ang opisyal na si Lt. Reynaldo Afable, 41-anyos, may- asawa at dating Intelligence officer ng Imus at Silang police station.
Ayon sa pahayag ni Lt.Col. Christopher Olazo, Cavite police director, si Afable ay isa umano sa siyam na nanloob at nangholdap nitong ika- 18 ng Oktubre sa mag- asawang negosyante sa Villa Vista Subdivision, Barangay Santiago, General Trias city kasama ang dalawang nadismiss na pulis at anim na iba pa.
Mahigit P1 milyong cash at mga alahas ang nakuha umano ng grupo sa mag- asawa at mabilis na isinakay sa puting van patungong Malvar.
Makalipas ang tatlong araw, unang nadakip si Afable nang ma- identified ito ng mga biktima na siya umanong nagtali sa kanila habang nililimas ng iba pang kasamahan ang laman sa kaha de yero.
Ayon pa kay Olazo, habang nasa loob ng istasyon ng pulis, nagpaalam si Afable sa mga kasamahan pulis na gagamit ng palikuran.
Lingid sa kaalaman ng mga bantay ay palihim na kinuha ni Afable ang isang gunting sa ibabaw ng mesa at mabilis na pumasok sa comfort room.
Habang nasa loob ng CR sinaksak ng opisyal ang kaniyang leeg at naalarma lamang ang mga pulis sa malakas na ungol kung kaya’t pwersahan nilang binuksan ang pinto nito.
Dito na tumambad sa mga pulis ang duguang si Afable at agad nilang isinugod sa Divine Grace Medical Center ng naturang lungsod.
Ayon sa mga doktor nasa stable condition na ang opisyal.
Samantala, sinabi ni Olazo na nadakip na rin ng mga operatiba ang dalawang dating pulis na kasama ni Afable sa panloloob sa mag- asawang negosyante.
Batay sa report ng General Trias police, si Franklin Meron ay nahuli sa Quezon city kung saan isang cal.45 ang nasamsam sa kanya samantalang naaresto naman sa Novaliches si John Carl Machon na may nakasukbit pang 9mm sa kanyang beywang.
Ayon Olazo, anim na iba pang akusado kasama ang isa pa rin dismiss na pulis ang pinaghahanap pa ng mga awtoridad. ARMAN CAMBE