PNP OPERATIONS PAIIGTINGIN SA CAMPAIGN PERIOD

UMABOT na sa 818 katao ang naaresto sa paglabag sa Election gun ban sa loob ng 27 araw o simula noong Enero 9 hanggang Pebrero 4.

Ito ang kinumpirma ni Police Col. Jean Fajardo, ang tagapagsalita ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Dionardo Carlos.

“As of February 5 ay umabot na po ng 699 ang operations na kinonduct ng PNP para implement ang gun ban at mayroon na po tayong naaresto na 818 na katao na lumabag sa gun ban,” ayon kay Fajardo.

Sinabi ni Fajardo na karamihan sa nahuli ay mula sa Metro Manila habang muli itong nagpaalala sa isinasaad ng Omnibus Election Code na bawal ang pagdadala ng armas kung hindi naman law enforcer at ang sinumang lalabag ay mahaharap sa kasong paglabag sa Omnibus Election Code o BP 881.

Aniya, ang awto­risado lang magdala ng armas ay mga miyembro ng law enforcement agencies at mga disbur­sing and cashier personnel ng financial institutions.

Subalit, dapat aniyang mag-apply din ang mga nabanggit na personnel ng exemption sa COMELEC.

“’Yun lang po ang mga awtorisado magdala at siyempre po kailangan po sila mag-apply sa Comelec ng exemption para hindi po sila kasuhan ng pagbaba­wal ng pagdadala ng baril,” diin ni Fajardo.

Samantala, tiniyak din ng PNP na handa silang higpitan pa ang pagbabantay sa oras na magsimula ang campaign period sa Pebrero 8. EUNICE CELARIO