PNP PABOR NA IPAGAMIT ANG FACE SHIELD VS OMICRON

SUSUNOD lamang ang Philippine National Police (PNP) sakaling ipatupad ang istriktong polisiya sa pagganir ng face shield para labanan ang banta ng Omicron, bagong variant ng COVID 19 variant.

Aminado si PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos na wala pa silang natatanggap na panuntunan mula sa Inter Agency Task Force (IATF) kung muling ibabalik ang paggamit ng face shield bilang proteksyon sa mas mabilis na makahawang variant ng virus.

“We will always abide with the IATF. At kung ‘yan ay makakatulong para maiwasan ‘yung pagkalat nitong COVID-19 virus, we will leave it up to the health experts “, pahayag ni Carlos sa press briefing.

Una rito, sinabi ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na posibleng ikonsidera ng pamahalaan ang gawing muling mandatory ang pagsusuot ng face shields sa mga pampublikong lugar.
Sa katunayan, ayon kay Carlos sa PNP ay itinabi lamang nila ang kanilang mga reserbang face shields at maaring gamitin muli anumang oras.

Ang pahayag ay ginawa ni Carlos sa gitna na rin ng nakaambang banta ng Omicron COVID 19 variant na nagsimula sa South Africa at kumalat na rin sa iba pang bahagi ng bansa.

Magugunita na binawi ng pamahalaan ang mandatory policy sa pagsusuot ng face shield sa National Capital Region (NCR) matapos naman itong isailalim sa Alert Level 2 dahil sa patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID 19.

Samantalang patuloy pa ring ipinatutupad ang paggamit ng face shield sa mga hospital at quarantine facilities bilang karagdagang proteksyon ng health workers gayundin ng kanilang mga pasyente.