OZAMIS CITY – TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) na tututukan nila ang imbestigasyon upang madakip ang nanambang sa Regional Trial Court, Executive Judge Hon Edmundo Pintac.
Ayon kay PNP Chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde, inutos niya na iprayoridad ang pagsisiyasat sa kaso at pagdakip sa apat na suspek na nasa likod ng pananambang sa sinasakyan ni Pintac na ikinasawi nito at ng kanyang driver.
Ang nasabing pahayag ay kasunod ng kahilingan ng Korte Suprema sa PNP at maging sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa mabilisang pagresolba sa kaso at pagtugis sa mga sangkot sa pagpatay kay Judge Pintac.
Mismong si outgoing Supreme Court (SC) Chief Justice Teresita Leonardo de Castro, ay nag-utos sa Court Administrator na makipag-ugnayan sa lahat ng law enforcement officers para agad mabigyan ng hustisya ang biktima at mapanagot ang mga responsable.
Kasabay nito, nagpaabot ng dasal at pakikidalamhati ang SC sa pamilya ni Pintac habang nagluluksa naman ang judiciary sa ginawang pamamaslang sa isa nilang kapamilya.
Nagpahayag na rin ng kanilang pagkondena ang Philippine Judges Association (PJA) sa pagpatay sa hukom na sinasabing may hawak sa illegal drug case na kinakaharap ng nakakulong na sina Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess Parojinog at kapatid nitong si Reynaldo Jr.
Ayon kay RTC Branch 23 Presiding Judge Arthur Abudiente, deputy president ng PJA, isa umanong pag-atake sa hudikatura ang pag-ambush sa hukom nitong nakalipas na Lunes. VERLIN RUIZ
Comments are closed.