TARGET ngayon ni Philippine National Police Chief Gen Benjamin Acorda Jr. na makapagtala ng 100% conviction rate sa mga kaso ng ilegal na droga na isasampa ng PNP.
Ito ay kasunod ng muling pagbabalik ng full operation ng PNP-Drug Enforcement Group matapos na matigil ang kanilang operasyon kasunod nang pagkakasangkot sa kontrobersiya ng ilan nitong opisyal at tauhan sa pagkakasabat ng halos 1 toneladang shabu sa Maynila noong isang taon.
Matatandaang lumutang ang balita na pinabubuwag na ang special operations unit ng PDEG sa iba’t ibang rehiyon sa bansa dahil sa nasabing isyu.
Kaugnay nito, plano ni Acorda na mag- implementa ng bagong sistema sa drug enforcement group ng PNP.
Bunsod pa ng ulat na mayroong humigit kumulang na tatlong libong pulis mula sa drug enforcement unit ng PNP ang sangkot sa iba’t ibang uri ng katiwalian.
Inihayag ng Heneral na dahil dito ay pinaplano niya ngayon na gawing Coplan based ang lahat ng operasyon ng naturang hanay ng pulis maging sa regional at provincial level kasabay ng mas agresibo at consolidated operations nito upang mas matiyak na talagang bantay sarado ang kilos ng nasabing unit.
Una nang inatasan ni Acorda ang lahat ng intelligence operatives ng PNP na tutukan ang mga police scalawag sa loob ng kanilang organisasyon, kasabay ng direktibang magiging mas mahigpit at hindi na basta-basta pa ito magtatalaga ng mga kawani sa drug enforcement group ng PNP nang hindi dumadaan sa sa matinding vetting process.
Ayon kay PNP Spokesperson Col Jean Fajardo, nakatakdang sumailalim muli sa panibagong vetting process ang mga personnel ng Pambansang Pulisya na naka-assign sa lahat ng mga drug enforcement unit nito.
Ang panibagong hakbang na ito ng PNP ay nag-ugat sa pagkakatuklas sa katiwalian ng ilang miyembro ng PDEG nang masangkot ang mga ito sa pagpupuslit sa 42 kilo ng ilegal na droga mula sa 990 kilos biggest drug haul sa kasaysayan ng PNP noong nakaraang taon kung saan naaresto si MSg Rodolfo Mayo Jr. at iba pang mga kasamahan nito na kapwa mga miyembro ng drug enforcement group ng pambansang pulisya.
Magugunitang bukod sa dalawang heneral at dalawang police colonel na pinakakasuhan ay may 32 pang pulis ang iniimbestigahan kaugnay sa kalakalan ng iligal na droga. VERLIN RUIZ