HINIMOK ni House Majority Leader at 1st Dist. Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr. ang Philippine National Police (PNP) na gumawa ng plantilla positions sa hanay ng non-uniformed personnel o NUPs nito partikukar para sa pagkuha ng ‘driver-mechanics’.
Ayon kay Andaya, kaakibat ng epektibong pagganap ng tungkulin ng buong puwersa ng pambansang pulisya ang pagkakaroon ng maayos na ‘mobility asset’ nito.
Nakalulungkot umanong makita na makalipas lamang ang ilang taon na serbisyo, karamihan sa police mobile cars at iba pang sasakyan ng PNP ay hindi na magamit o kaya’y hindi na kagandahan ang hitsura.
“Ang perception kasi ng tao, mukhang mabilis malaspag ang mga sasakyan na binili ng PNP o ibinigay sa kanila. Bakit ang kotse ginawang taxi or van na pinamasada, na mas mahaba pa ang tinakbo, mas tumatagal kaysa doon sa pag-aari ng ating pulisya?“ ang dismayadong sabi ng Camarines Sur solon.
Bunsod nito, ipinunto ng house majority leader ang pangangailangan na bigyan ng kaukulang pansin ng pamunuan ng PNP ang pagkakaroon nito ng sistema na pagmamantine ng kanilang ‘mobile assets’.
Sa datos na nakalap ni Andaya, nabatid na sa kasalukuyan, ang PNP ay mayroong motor vehicle fleet na kinabibilangan ng 7,083 patrol cars and jeeps; 4,683 motorcycles, 301 buses, 680 trucks and personnel carriers at 287 specialized vehicles.
Giit ng mambabatas, dapat na matukoy ang estado ng mga sasakyang ito lalo na ang malaman kung ilan ang aktuwal na nagagamit pa, may sira at hindi na tuwirang napakikinabangan.
“Kailangang ma-distinguish kung ilan ang sira, hindi na tumatakbo. Updated at kung pwede in real time ang report kasi malaking pondo ang nasasayang kung paglalaanan pa ng gas budget ang mga sasakyang hindi na tumatakbo,“ pagbibigay-diin pa ni Andaya.
Kaya naman inirekomenda ng kongresista sa PNP ang pagkuha ng ‘non-uniformed personnel driver-mechanics’ kung saan binigyan-diin niya na mainam na hindi lamang ‘park and drive’ ang alam ng mga gumagamit ng police vehicles bagkus ay iyong may kaalaman din kahit na ‘basic maintenance o trouble shooting’ ng behikulo.
Sa pagkakaroon ng ‘driver-mechanics’ ng PNP, naniniwala rin si Andaya na bukod sa mama-maximize ang ‘mobile assets’ ng naturang ahensiya ay mapakikinabangan din nang lubos ang pondo nito, na magreresulta sa epektibong paglilingkod sa sambayanang Filipino. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.