TUGUEGARAO CITY – ISANG paalala ng pamunuan ng Police Regional Office-2 (PRO-2) ang isang kautusan ang umiiral sa buong region 2, ang liquor ban kaugnay sa idaraos na national at local election ngayong araw na ito.
Sinabi ni P/Lt. Col. Chevalier Iringan, tagapagsalita ng PNP Region-2 na mahigpit itong ipatutupad ang nasabing kautusan ng kanilang hanay, kung saan ay mahaharap sa isa hanggang anim na taon na pagkakakulong ang sinumang mapapatunayan na lalabag sa liquor ban.
Nagsimula ang liquor ban alas-12:00 ng hatinggabi, Mayo 12, 2019 na tatagal hanggang sa Mayo 14, 2019.
Binigyan diin ni Iringan na ipinatupad ang liquor ban para masiguro ang maayos at mapayapa na pagdaraos ng election ngayong araw.
Samantala, siniguro naman ng 503rd Infantry Batalion, Philippine Army ang kaayusan at katahimikan sa kanilang nasasakupang lugar para sa gaganaping 2019 midterm elections.
Sinabi ni Army Col. Henry Duyawen, Brigade Commander ng 503rd IB, Philippine Army, na umano’y nakakalat na ang kanilang mga tauhan katuwang ang PNP sa mga polling centers sa Apayao Kalinga at sa lahat ng kanilang nasasakupan.
Sa ngayon, sinabi ni Duyawen na walang nakikitang problema sa lugar at kontrolado na rin umano ng PNP-Conner, Apayao, na unang naipabalita na nagkatutukan ng baril ang mga tauhan ng mayoralty candidate matapos magkasalubong ang kanilang convoy.
Samantala, hinikayat naman ni Duyawen ang publiko na agad ipagbigay alam sa kanilang hanay kung may mga namo-monitor na mga kandidato na bumibili ng boto para agad na matugunan. IRENE GONZALES