PNP REGULAR NA INA-AUDIT

INAMIN ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Guillermo Eleazar na inaalerto rin sila ng kanilang resident auditor kaugnay sa mga itinakdang alituntunin sa paggastos na agad naman tinugunan.

Ginawa ng PNP Chief ang pahayag matapos ang kontrobersyal na ulat ng Commission on Audit (COA) na may ilang ahensiya ng pamahalaan ang mayroong kuwestiyonableng accounting o nawawalang pondo.

Ani Eleazar, hindi na ito bago dahil regular naman nilang natatanggap ang paalala mula naman sa resident auditor ng nasabing organisasyon.

“Ang mga audit observation memo po ay hindi bago. Actually periodically kami po ay nakaka-receive niyan galing sa mga resident COA (auditor) dito and the purpose of which kung may nakikita sila na observation along the way na makakapag-improve sa aming operation or kung papaano namin ginagamit itong pondo na inilaan sa amin ay iniinform na kami. Hindi yung bandang huli ay wala na kaming magawa. ‘Yun naman ang purpose ‘nun,” ayon kay Eleazar.

Tiwala rin si Eleazar na sa nakalipas na PNP Chiefs gaya nina retired Generals Archie Gamboa, Camilo Cascolan at Debold Sinas ay naisaayos na ng Directorate for Comptrollership ang kanilang cash flow.

Habang malaki rin aniya ang naitutulong ng kaniyang command group na sina Lt. Generals Joselito Vera Cruz, Israel Dickson at Dionardo Carlos para mabusisi ang paggamit ng kanilang pondo sa kanilang day to day operations. EUNICE CELARIO

Comments are closed.