PNP SA ENERO PA MAY PERMANENT CHIEF

CAMP CRAME – POSIBLENG sa Enero 2020 pa magkakaroon ng permanenteng hepe ang Philippine National Police (PNP).

Ito ang naging pagtaya ni PNP Spokesman, BGen. Bernard Banac makaraang hindi nasabi sa command conference sa Malacañang noong Lunes ng gabi kung nagtalaga na ng permanent PNP chief si Pangulong Rodrigo Duterte.

Dumalo sa nasabing command conference si PNP OIC Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa.

Gayunman, pagli­linaw ni Banac, bagaman nasa acting capa­city lamang ang posisyon ngayon ni Gamboa ay nagagawa naman nito ang katungkulan bilang pinakamataas na opisyal ng PNP.

“Tuloy ang operasyon ng PNP, ayos din ang budget kaya walang kakulangan sakaling wala pang permanenteng PNP chief,” ayon kay Banac sa press conference kahapon sa Camp Crame.

Paliwanag pa ni Banac na natutugunan din ni Gamboa ang katungkulan bilang PNP chief kaya hindi kakulangan sa organisasyon kahit pa nasa acting capacity lamang ito kaya wala aniyang dahilan para magmadali na magtalaga ng permanent PNP chief.

Paglilinaw naman ni Banac na bagaman mahalaga ang permanenteng PNP chief para sa lalagda sa procurement o pangangailangan ng organisasyon ay wala naman anilang kabiguan sa nasabing aspeto at katunayan ay nag-take effect na ang ilan sa procurement gaya ng pagtanggap nila noong Lunes ng mga bagong sasakyan, armas, at kagamitan kung saan umabot sa P3.9 bilyong halaga ng choppers, trucks, drones, mga armas, helmet at iba pa. EUNICE C.

Comments are closed.