CAMP CRAME– HINAMON ng Philippine National Police (PNP) ang Communist Party of the Philippines- New Peoples Army (CPP- NPA) na patunayan sa korte ang kanilang alegasyong nagtanim ng ebidensya ang mga pulis sa kanilang mga inarestong rebelde sa Bacolod City, Negros Occidental.
Ayon kay PNP Officer in Charge Lt Gen Archie Gamboa, may kasamang media at representative ng local government units ang mga pulis nang isagawa ang pag-iisyu ng search warrants.
Pahayag ni Gamboa na sa ngayon mas mabuting sagutin muna ng mga naarestong miyembro ng CPP NPA ang kasong illegal possesion of firearms and explosives na isinampa sa kanila.
Sa operasyon, 57 katao ang naaresto, kabilang ang 14 na menor de edad, at 32 na mga armas ang nakumpiska ng militar at pulisya sa mga safehouse ng CPP NPA.
Samantala, nasa 100 raliyista naman ang nagsagawa ng kilos protesta sa harap ng gate 1 ng Camp Crame.
Kinokondena nila, ang ginawang pagsalakay ng mga pulis sa mga tanggapan ng Bayan Muna, Gabriela, Anakpawis at National Federation of Sugar Workers sa Bacolod City nitong gabi ng Oktubre 31.
Ayon sa mga militante, “planted” at hindi sa mga inaresto ang mga nakumpiskang armas, pinag-iinitan lang daw sila dahil sila ay mga kritiko ng administrasyon.
Kaya panawagan nila sa PNP, magtanim ng bigas at huwag armas. REA SARMIENTO
Comments are closed.