PNP SA MGA PULIS: HUWAG PAGAMIT SA MGA POLITIKO SA 2025 POLLS

AARANGKADA na ang paghahain ng certificates of candidacy (COC) para sa  2025 polls sa Oktubre.

Kaya naman todo ang paalala ni Philippine National Police (PNP) Chief General Rommel Francisco Marbil sa kapulisan na gampanan ang kanilang tungkulin nang mahusay at pairalin ang political neutrality.

“We are entering a crucial period as candidates for the 2025 elections begin filing their certificates of candidacy. I am directing all local police units to remain vigilant, perform their duties efficiently under the Quad principle, and ensure public safety,” sabi ni Marbil sa isang statement.

Ang paghahain ng COC para sa 2025 elections ay nakatakda sa October 1-8.

Kasabay nito ay pinaalalahanan niya ang bawat opisyal na ang political neutrality ay isang core res­ponsibility kaya hindi nila dapat payagan ang kanilang mga sarili na maimpluwensiyahan o magamit ng mga politiko.

Babala ni Marbil, may kaparusahan sa mga miyembro ng pulisya na masasangkot sa partisan activities.

Binigyang-diin niya na hindi ku­kunsintihin ng PNP ang sinumang miyembro nito na ikokompromiso ang kanilang commitment sa neutrality at fairness.  Ang anumang uri ng panghihimasok sa politika, direkta man o hindi, ay agad, aniya, nilang aaksiyunan.

Pakiusap naman ng PNP chief sa publiko: makipagtulungan sa mga awtoridad at i-report ang anumang iregularidad na kinasasangkutan ng pulisya.