NANAWAGAN ang Philippine National Police (PNP) sa mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na huwag maging balakid sa relief operations ng pulisya at maging ng militar ngayong panahon ng kalamidad at maging ng pandemya.
Ginawa ni PNP Chief Gen. Camilo Pancratius Cascolan ang apela sa mga NPA upang matiyak na magiging maayos ang pagsasagawa ng relief operations sa mga lugar na tinamaan ng Bagyong Rolly.
Sa halip na manggulo, hinimok ni Cascolan ang mga rebelde na makipagtulungan na lang sa awtoridad para sa kapakanan ng mga komunidad na lubhang naapektuhan ng bagyo.
Aniya, bukas din ang pamahalaan na tulungan ang mga rebelde na biktima ng kalamidad.
Tiniyak ng PNP na ‘double time’ ngayon ang pulis at militar bilang tugon sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik agad sa normal ang pamumuhay ng mga nasalanta.
Gayundin, nakipag-coordinate na rin ang PNP sa AFP para sa equipment na kailangan sa clearing operations bukod pa sa mga grupo mula sa pribadong sektor na nangako ng construction materials para sa muling pagtatayo ng mga nasirang istraktura. EUNICE C.
Comments are closed.