PNP SA PUBLIKO: COOL LANG KAYO!

PNP-8

CAMP CRAME – PINAWI ng Philippine National Police (PNP) ang pangamba ng publiko hinggil sa antas ng kriminalidad sa bansa.

Ginawa ng pulisya ang reaksiyon sa naging travel advisory ng US State Department sa kanilang mga kababayan sa bansa kaugnay sa umano’y pagtaas ng kaso ng kidnapping.

Partikular na tinukoy sa ulat ang umano’y pagkakaroon ng terrorism activities sa Marawi City at kidnapping sa lalawigan ng Sulu.

Sinabi naman ni PNP spokesman Col. Bernard Banac na kontrolado ng awtoridad ang sitwasyon sa bansa.

Bagaman may mga kaso ng kidnapping sa Sulu ito naman ay hindi nagaganap sa iba pang bahagi ng bansa.

Sinabi pa ng tagapagsalita ng PNP na tinutugunan ng mga pulis ang mga reklamong ipinararating sa kanila.

Bukod sa kriminalidad, nakatutok rin ang PNP sa pagbabantay sa mga lugar na posibleng pagmulan ng gulo kaugnay sa nalalapit na halalan.

Ipinaliwanag ni Banac na umaabot na sa 943 na mga lugar ang itinuturing nilang ­areas of concern para sa panahon ng eleksiyon.  EUNICE C.

Comments are closed.