LANAO DEL SUR-NAGDEPLOY ng mga kagawad ng PNP Special Action Force (PNP-SAF) sa Lanao del Sur para sa May 2022 elections matapos na ituring ng Commission on Election (COMELEC) ang dalawang bayan sa lalawigan na kapwa hotspot category.
Ayon kay PNP Directorate for Operations Director MajGen Valeriano de Leon, nagtalaga na ang PNP-SAF ng ilang platoon sa bayan Tubaran at Malabang.
Nabatid na ang dalawang munisipalidad ay idineklarang under COMELEC control dahil sa mga banta sa seguridad at karahasan sa darating na May 9 National and Local Elections.
Inihayag din De Leon na sa isinagawang threat validation kaugnay sa nalalapit na eleksyon ay mayroong mga posibleng banta mula sa mga lokal na terorista sa Mindanao o Bangsamoro.
Dahil dito, agad nang nakipag-ugnayan na si De Leon kay COMELEC Chairperson Saidamen Pangarungan hinggil sa security isyu sa mga nasabing lugar.
Bunsod nito, nakatakda umanong magsagawa ng inspection sa mga nabangit na lugar si De Leon at Pangarungan.
Una nang inihayag ng COMELEC na maglalabas sila ng listahan ng mga lugar na posibleng ideklarang nasa “red category” o mga hotspot areas matapos ang kanilang validation . VERLIN RUIZ