PINAALALAHANAN ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang mga pulis na palaging sumunod sa mga prinsipyo ng International Humanitarian Law (IHL).
Ang paalala ay ginawa ng PNP Chief sa kanyang mensahe sa pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ng PNP Special Action Force (SAF) sa Camp Bagong Diwa, nitong Mayo 17.
Sinabi ni Acorda, bilang law enforcement officers, tungkulin ng mga ito na galangin at pangalagaan ang karapatang pantao sa gitna ng pinaka-mahirap o mapanganib na situwasyon.
Binigyang diin ni Acorda na dapat siguruhin na protektado ang karapatan ng mga sibilyan sa lahat ng pagkakataon at ang lahat ng aksyon ng mga pulis ay naayon sa mga prinsipyo ng “necessity, proportionality and distinction.”a
Bilin naman ng PNP Chief sa SAF na itinuturing na “elite Force” ng PNPna tiyaking walang mapapahamak ang mga sibilyan sa kanilang mga aksyon.
Dagdag ni Acorda, ikinararangal niya na nagsisikap ang SAF na magkaloob ng “Serbisyong Nagkakaisa” sa pamamagitan ng pagiging “transparent, accountable, and responsive” sa komunidad sa kanilang mga operasyon.
EUNICE CELARIO