CAMP CRAME – TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) na susunod lamang sila sa magiging direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa ulat na nagkasundo ang pamahalaan at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na 15-day nationwide ceasefire o tigil-putukan na magsisimula mamayang hatinggabi (Disyembre 23) hanggang hatinggabi ng Enero 9, 2020.
Sinabi ni PNP Spokesman, BGen. Bernard Banac, ang kanilang mga aksyon ay nakapende lamang sa atas ng Pangulo partikular sa rekomendasyon ng joint peace panel ng PHL government hinggil sa tigil-putukan.
Sa ngayon aniya, hindi pa pormal na announcement dahil hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ang Pangulong Duterte.
Gayunman, kapag inaprubahan ng Pangulo at ipapasakatuparan, susunod ang PNP at susuportahan ang magiging pasya ng kanilang commander-in-chief.
Inihayag din ni Banac, na wala pa silang natatanggap na official communication hinggil sa joint statement ng peace panel.
Sa ngayon, mananatili sa mataas na level ang antas ng security para mapigilan ang anumang planong pag -atake ng mga komunista at teroristang grupo lalo na ngayong Pasko at Bagong Taon.
“Ang nais naman natin dito sa panahon ng pasko ay makapagdiwang ang ating mga kababayan ng maayos at mapayapa na walang karahasan,” dagdag pa ni Banac. EUNICE C.