AWTOMATIKONG susunod ang Philippine National Police (PNP) sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magtipid ng tubig para maibsan ang bansa sa hamon na dulot ng El Niño phenomenon o matinding init na sanhi ng tagtuyot.
Sa regular Monday press conference sa Camp Crame kahapon, sinabi ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. na mahigpit nilang ipatutupad sa lahat ng kampo ng pulisya ang pagtitipid sa paggamit ng tubig, gayundin sa kuryente.
Ito ay kasunod ng atas sa lahat ng ahensiya ng gobyerno na bawasan ng 10 porsyento ang kanilang kinokonsumong ng tubig.
Sa direktiba ni PBBM na whole-of-nation approach, lahat ng ahensiya ng pamahalaan ay dapat magtipid sa tubig at maging sa enerhiya para maibsan ang epekto ng matinding tagtuyot na ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ay posibleng tumagal hanggang sa unang bahagi ng 2024.
Nitong isang linggo ay naglabas na ng guidelines ang Department of Environment and Natural Resources-Water Resources Management Office para sa water conservation.
Kasama rito, ang paglilimita ng hanggang 50 litro kada araw ang konsumo ng tubig ng isang government employee na pumasok sa kanilang opisina.
Habang ang household, condominium at tanggapan na 24 oras may operasyon naman ay hanggang 180 liters kada araw ang konsumo.
EUNICE CELARIO