PNP TUTOL SA MALA-MARTIAL LAW NA CHECKPOINT

Gamboa

TINUTULAN ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang  mungkahi ng isang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mala-Martial Law na sistema ng pagbabantay ng awtoridad sa panahon ng pandemya.

Ito ay kaugnay sa planong isailalim sa “Shame Campaign” ang mga hindi sumusunod sa Health and Safety Protocols na ipinatutupad para masupil ang paglaganap ng coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa, ang trabaho ng mga pulis ay magbantay sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19 at ipatutupad lamang kung ano ang nasa batas at sa mga ordinansa mula sa mga lokal na pamahalaan.

Una rito, iminungkahi  ni DILG Undersecretary Martin Dino na dapat ay mala-Martial Law style ang gawin ng mga pulis at ipatupad ang shame campaign dahil matindi na ang pagtaas ng kaso ng CO­VID-19 sa bansa.

Ang direktiba ni Gamboa sa mga pulis sa buong bansa na dapat ay sumunod sa PNP code of conduct and ethical standards partikular sa pagmamantini ng Quarantine control points.

Katuwang ng mga health worker at iba pang frontliners ang mga pulis para tiyakin na nasusunod ang health protocols na ipinag-uutos ng IATF at ng DOH gaya ng mandatory na pagsusuot ng face mask, social distancing sa mga public transport at pagbabawal sa mga malakihang pagtitipon. VERLIN RUIZ

Comments are closed.