PNP TUTULONG SA DEPED VS SCHOOL VIOLENCE

DAHIL sa mga naitalang karahasan na bumiktima sa mga guro at estudyante, inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang lahat ng mga Regional at Provincial Director ng PNP, kasama ang Chiefs of Police at Ground Commanders na makipag-ugnayan sa mga paaralan sa kanilang area of responsibility.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief Col. Red Maranan, ito ay bilang pagsuporta sa Department of Education, para masolusyonan ang problema sa “school violence” o karahasan sa mga paaralan.

Sinabi ni Maranan na ipinag-utos ni Azurin sa mga Police Commander na alamin ang lahat ng kailangan ng mga paaralan pagdating sa usaping panseguridad.

Paliwanag ni Maranan, maganda kung regular ang diyalogo ang mga pulis at mga paaralan kung saan dati nang nagpatupad ng “school visitation”.

Ang kautusan ng PNP Chief ay kasunod ng huling insidente ng karahahasan, kung saan namatay ang isang grade 6 student ng Benito Nieto Elementary School sa San Jose Del Monte Bulacan, matapos aksidenteng mabaril ang sarili gamit ang baril ng kanyang amang pulis sa loob ng palikuran ng paaralan nitong Enero 26.

Samantala, maging si Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte Carpio ay inatasan ang kanyang undesecretaries na makipag-coordinate sa PNP para masiguro ang kaligtasan ng mga guro, mag-aaral at paaralan.
EUNICE CELARIO