PNP UMAKSIYON NA VS PINALAYA SA ILALIM NG GCTA LAW

Oscar Albayalde

CAMP CRAME – UMAKSIYON na ang Philippine National Police (PNP) upang sundin ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik sa kulungan ang may 2,000 preso na napalaya sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance Law.

Sa pahayag ni PNP Chief. Gen. Oscar Albayalde sa press conference kahapon na kaniya nang inatasan si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief,  Maj. Gen Guillermo Eleazar na ibigay ang listahan ng mga napalaya para himukin na sumuko na.

Ang hindi naman susuko ay aarestuhin habang giit ni Alba­yalde na wala silang lalabaging batas dahil pagtalima lamang sa commander in chief ang kanilang gagawin.

Maximum tolerance aniya ang gagawin ng mga pulis subalit kung malagay sa alanganin ang buhay kung manlaban ang mga aarestuhin ay gagamit na rin sila ng awtoridad gaya ng paggamit ng armas.

Magiging katuwang naman ng PNP ang Armed Forces of the Philippines (AFP)  para mapasuko ang mga da­ting preso sa loob ng 15 araw.

Samantala, isa pang preso na napalaya sa pamamagitan ng GCTA ang sumuko sa Pasay City Police Station kahapon.

Kinilala ito na si Nicanor Naz alyas Nick na mula sa Davao Penal Colony.

Convicted si Naz sa kasong paglabag sa section 15 ng RA 6425 o kasong may kinalaman sa droga at kasong paglabag sa Article 70 of Revised Penal Code.

Ang pagsuko nito ay matapos ang anunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na muling arestuhin ang mga preso na nakalaya sa pamamagitan ng GCTA. REA SARMIENTO/VERLIN RUIZ

Comments are closed.