PNP UMALMA SA TRAVEL ADVISORY NG CANADA

UMALMA ang Philippine National Police (PNP) sa inilabas na travel advisory ng Canada na nagbabawal sa kanilang mga mamamayan na magtungo sa Pilipinas partikular na sa Mindanao.

Sinabi ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr, mismong ang Gallup Global Survey ang humirang sa Pilipinas bilang ikatlo sa mga bansang pinakaligtas sa Timog-Silangang Asya.

Bagaman iginagalang ng heneral ang naging pahayag ng Canada, iginiit nito na maayos ang sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan sa Pilipinas.

Dagdag ng PNP chief, kung ang mga komunistang grupo ang pag-uusapan, sinabi ni Acorda na humihina na ang puwersa nito at mababa na rin ang naitatalang bilang ng kanilang pag-atake.

Ani Acorda, marami pang dapat gawin para kumbinsihin ang international community na ligtas magtungo sa bansa. EUNICE CELARIO