SA ikalawang pagkakataon, walang naitalang bagong infected sa COVID-19 ang Philippine National Police (PNP) kaya nananatili sa 28 ang patuloy na ginagamot sa nasabing sakit.
Batay sa ulat ng PNP-Health Service, hanggang kahapon, Disyembre 19, wala ring naiulat na recoveries mula sa mga nagpapagaling na pulis sa sakit.
Dahil dito, 42,245 pa rin ang kabuuang kaso ng COVID-19; habang 42,092 ang nakarekober.
Mahigit isang buwan na rin na hindi nadagdagan ang 125 na nasawi noong Nobyembre 10.
Samantala, sa kabuuang 225,521 na puwersa ng PNP, 94.98% o 214,201 pulis ang fully vaccinated; 9,874 ang tumanggap ng unang dose ng COVID-19 vaccines habang 1,446 ang hindi pa.
Patuloy naman ang panawagan sa police force ni PNP Chief, Gen. Dionardo Carlos na mag-ingat laban sa nasabing sakit lalo na’t may dalawang kaso na sa bansa ng bagong variant nito na Omicron na kagaya ng Delta variant ay mabilis makahawa.
Payo pa ni Carlos, hindi dapat pakampante kahit pa lumiit na ang bilang ng mga nagkasakit. EUNICE CELARIO