CAVITE – IPINAG-UTOS ni Interior OIC-Secretary Eduardo Año ang pagsibak sa direktor ng Philippine National Police Academy (PNPA) na si Chief Supt. Joseph Adnol makaraang makaladkad ang tatlong kadete nito sa kahalayan habang nauna na ang iskandalo ng hazing noong Marso.
Sa ulat na nakarating sa PILIPINO Mirror, inatasan ni Año si Philippine Public Safety College President Ricardo de Leon na imbestigahan ang nasabing usapin at tiyakin na hindi na mauulit ang nasabing pagkakamali sa akademya.
Sa record, ang PNPA ay isa sa constitutive units ng PPSC kaya nasa ilalim ito ni De Leon.
“We should not tolerate such scandalous acts in our ranks. The PPSC should act with dispatch to ensure that the true ideals, values and discipline in the academy will continuously be up-held,” ayon kay Año.
Maging ang PNP ay sinabihan din ng kalihim na magsagawa ng imbestigasyon upang idetermina ang criminal liability ng pangyayari.
Sa huling iskandalo, tatlong upperclassmen naman ang nasangkot sa isang insidente noong October 6, 2018 kung saan inutusan umano na gumawa ng kalaswaan ang dalawang nakaba-batang kadete o plebo habang nanonood ang tatlong upperclassmen.
Noong Marso ay nakaladkad din sa kontrobersiya ang PNPA matapos ang insidente ng pambubugbog ng mga lowerclassmen sa kanilang upperclassmen pagkatapos ng graduation ceremony noong Marso ng taong ito at nag-alok din ng resignation si Adnol subalit hindi ito pinayagan.
Samantala, umugong naman na posibleng ang papalit kay Adnol ay si dating Counter Intelligence Task Force head Sr. Supt. Chiquito Malayo habang sinabi ni DILG Usec. Jonathan Malaya na si De Leon muna ang officer in charge sa PNPA. EUNICE C.
Comments are closed.