NAKABABAHALA ang ipinaabot na mensahe sa inyong lingkod ng ating mga suking mambabasa na pawang mga kawani sa Philippine National Railways (PNR). Ayon sa kanila, nalalagay sa panganib ang buhay ng may 75,000 mga pasahero ng PNR dahil sa umano’y isyu ng mismanagement ng mga opisyales nito.
Sa isang panayam kay Bagong Kapisanan ng mga Manggagawa sa PNR or BKMP president Edgar Bilayon, nanawagan ang la-bor leader kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng pagsibak kay General Manager Junn Magno bunga umano ng katiwalian.
Ipinananawagan pa ng unyon ang pagpapatupad ng isang resolusyon ng PNR special investigating committee na nagrekomenda ng agarang pagpapasibak kay PNR chief corporate counsel Atty. Celeste Lauta makaraang hindi nito aksiyunan ang kawalan ng diesel fuel ng mga bagon na siyang direktang dahilan ng pagkakadiskaril ng operasyon ng PNR.
Simula noong Setyembre, halos usad pagong ang mga bagon makaraang upuan ng mga namamahala ang panawagan ng mga empleyado na siguraduhin ang suplay ng diesel fuel, gayundin ng pagsasagawa ng maintenance sa mga bagon.
Kinuwestiyon din ni Bilayon ang espesyal na relasyon ni Magno kay Atty. Lauta na legal counsel ng Liberal Party sa Bikol. Ayon kay Bilayon, ipinagkatiwala ni Magno kay Lauta ang halos lahat ng mahahalagang posisyon sa PNR, na siyang dahilan ng pagkakagulo sa ahensiya.
Nagsampa ng administrative complaint sina Bilayon kasama ang bise presidente ng unyon na si Jose Antonio Laurena noong Hulyo 21, 2017 makaraang mapag-alaman nila ang suspensiyon na iginawad kay Lauta ng kataas-taasang hukuman. Nagbuo ang PNR board ng Special Investigating Committee upang dinggin ang kaso laban kay Lauta.
Noong Nobyembre 29, 2017, nagbaba ng resolusyon ang komite ng pagpapasibak kay Lauta. Ipinagtibay ang resolusyon noong Disyembre a-singko noong taong yaon.
Bagamat may termination letter na mula sa PNR board si Lauta noon pang Nobyembre 29, 2017, nananatili si Lauta sa nasabing ahensiya.
Hindi inaaksiyunan ni General Manager Magno ang terminasyon sa serbisyo ni Lauta at ibinigay pa ni Magno kay Lauta ang mga posisyon bilang OIC ng legal division, division manager ng corporate planning division na para lamang sa isang PNR adminis-trator.
Nangangamba si Bilayon na kung mananatili ang mismanagement ng PNR, maaaring maapektuhan hindi lamang ang operasyon kundi ang modernisasyon ng nasabing ahensya na isa sa mga programa ng Pangulong Duterte.
Comments are closed.