PNR ISANG KASAYSAYAN

PNR-18

(ni NENET L. VILLAFANIA)

PANAHON pa ni Gat Jose Rizal, may nababanggit nang tren sa Filipinas. Taong 1896 namatay si Rizal, at ang unang linya ng mga riles ng tren mula Maynila hanggang Dagupan ay nailatag noong 1891. Mula noon hanggang ngayon, naglilingkod na ang Manila-Dagupan Ferro-caril Train na umaabot na rin hanggang Legazpi, Albay, Bicol. Kung bibilangin ang mga taong naglilingkod sa mga Filipino ang ngayo’y tinatawag nating Philippine National Railways (PNR), abot na ito sa 129 taon.

Matatagpuan ang Tutuban Central Terminal sa Divisoria. Dati, naglalakbay ang tren mula sa norte hanggang sa silangang bahagi ng Luzon. Natural lamang sa Maynila ang Central Station, kung saan puwedeng sumakay hanggang Damortis, La Union o hanggang Legazpi City sa Bicol. Mula Maynila hanggang sa kung saang lugar magtutungo, malaki ang naitulong ng PNR sa mga tao at sa kanilang mga negosyo.

PNR SA PANAHON NG KASTILA

Ipinagawa ng Haring Alfonso 1 ng Espanya ang Ferrocarril de Manila-Dagupan, noong panahong hindi pa uso ang bus. Kalesa pa lamang at karuwahe na hinihila ng mga kabayo ang sasakyan noon. Wala pa ring bisikleta at jeepney, at uling ang gina­gamit upang mapatakbo ang mga tren at barko. Ipinagawa ito tatlong taon matapos ang Cavi­te Mutiny at patayin sa garote ang tatlong Filipinong pati na sina Mariano Gomez, Jose Burgos, and Jacinto Zamora, na mas kilala sa tawag na Gomburza.

PNR, NOLI AT FILI

Noong December 1886, natapos nang sulatin ni Rizal ang Noli Me Tangere, ngunit nagkaproblema siya sa pagpapaimprenta nito. Kapos na siya sa pera, ngunit dumamay ang kaibigan niyang si Maximo Viola, na siyang naglabas ng P300 para sa pagpapaimprenta ng 2000 kopya ng aklat. Nailabas ito sa Berlin noong March 31, 1887 at nakapagpadala si Rizal ng kopya sa kaibigang si Ferdinand Blumentritt.

Noong 1891, nakakapagbiyahe na ang Ferrocaril sa Bagbag, Pangasinan at sinisimulan na rin niya ang El Filibusterismo ni Rizal, na natapos rin niyang sulatin noong 1891. Naimprenta ito sa Ghent, Belgium. Ayon sa impormasyon, ilang bahagi ng Fili ay sinulat habang nakasakay si Rizal sa tren patungong Divisoria mula sa Calamba kung saan siya nakatira.

PNR AT ANG REBOLUSYON

Naitatag ang Kataas-taasang Kagalang-gala­ngang Katipunan (KKK) ni Andres Bonifacio, at nayari na rin ang 195.4 kilometrong riles ng tren. Ang PNR ang ginagamit ng mga miyembro ng Katipunan upang makarating ng mabilis sa Monumento, kung saan sila nagsasagawa ng lihim na pagpupulong. Noong November 24, 1892, nagsimula na ang himagsikan nang ibenta ng dalawang tagapanga­siwang Espanyol ang Filipinas sa mga Amerikano. Ito ang inpamosong Battle of Manila Bay, kung saan sumuko ang mga Kastila sa mga Amerikano sa mismong lupain ng mga Filipino. Ibinenta tayo ng mga Espanyol sa Treaty of Paris ng walang kaalam-alam.

Ipinapatay ang mag­kapatid na Andres at Procopio sa utos ni Emilio Aguinaldo. Nang sakupin ng mga Americano ang Filipinas, nasa Hong Kong si Aguinaldo, na namumuno noon sa isang revolutionary government.

MGA REBOLUSYONARYO AT MGA AMERIKANO SA TREN

Idineklara ni Aguinaldo ang kalayaan ng Filipinas noong June 12, 1898 sa balkonahe ng kanyang mansyon sa Kawit, Cavite. Noong January 21, 1899 itinatag naman sa Malolos, Bulacan ang Unang Republika ng Pilipinas, kasabay ng proklamasyon ng Malolos Constitution. Idineklara ang giyera ng bansa laban sa mga Amerikano noong June 2, 1899.

Gamit ang tren ng Manila-Dagupan, nagpalaganap ng kampanya ang mga Amerikano sa Luzon at tinugis din si Aguinaldo at ang kanyang mga sundalo sa Malolos. Ginamit ng mga Filipino ang tren para sa mga palabang sundalo na nagmula pa sa Central Luzon.

Hindi sigurado kung ginamit din ni Aguinaldo ang tren patungong Malolos o nang magtungo siya sa Palanan, Isabela kasunod ang mga  Amerikano, ngunit nahuli siya sa Palanan noong March 23, 1901 at nawala na rin ang Unang Republika ng Pilipinas.

Natapos ang giyera ng mga Pinoy laban sa mga Amerikano noong July 4, 1902 kahit nagpatuloy pa rin sa pakikipaglaban ang mga Katipunero tulad ni Macario Sakay at Miguel Marvar, gayundin ang mga Muslim sa Mindanao. Sampung taon pa ang inabot ng kanilang pakikipaglaban.

PAGPAPAHABA NG RILES

Normal na ang buhay noong 1900s lalo na sa negosyo at industriya. Noong April 20, 1900 ibinalik ng US military ang PNR sa gobyerno ng Filipinas at ang dating Ferrocaril de Manila-Dagupan ay naging Manila Railroad Company (MRRCo.).

Sa ilalim ng pagmamay-ari ng gobyerno commonwealth, naging 1,140 kilometro na ang ruta ng tren, at naging maayos ang bagon patungong Bicol, noong May 8, 1938 nagkaroon na rin ng bagon patu­ngong San Fernando, La Union.

Pormal na nagsimula ang Ikalawang Digmaaang Pandaigdig (World War II) noong September 1, 1939 nang sakupin ng Germany ang Poland. Dalawang taon na ito sa Europe nang bombahin ng Japan ang Pearl Harbor noong 1941, kaya napilitan ang United States na sumama sa giyera.Pinasok ng mga Hapones ang Filipinas at ang Imperial Army na ang kumontrol sa tren hanggang sa matapos ang giyera noong 1945.

PAGKAWASAK AT MODERNISASYON

Malaki ang naging sira ng mga bagon at riles ng tren dahil sa WW II. Mula sa dating mahi­git isang libong kilometro, naging 452 kilometro na lamang ang ruta nito, nang muli itong buksan noong February 1, 1946. Inayos naman ito ng US Army na siya na namang muling nagkontrol dito. Noong July 4, 1946 ibi­nigay ng gobyernong Amerikano ang kalayaan ng Filipinas. Pilit inayos ng gobyerno ng Filipinas ang mga riles sa napakahabang panahon ngunit huli na ito sa moder­nisasyon.

Mula 1954 hanggang 1956, naging diesel na ang gatong ng Manila Railroad Company, at ng mga sumunod na taon, muling pinalitan ang pangalan nito sa Philippine National Railways (PNR) na siya nating ginagamit ngayon.

Nagpatuloy ang rehabilitasyon ng PNR hanggang sa umabot sa 50% na ang naayos noong 60s at 70s. Na­ging mahalagang tulong ang tren sa problema sa transportasyon sa maraming lugar sa Luzon. Naging pinakamarami rin ang kita ng PNR dahil sa laki ng assets nila, at nagkaroon pa sila ng mga diversified investment at mga pag-aari tulad ng hotels, bus lines, at freight services.

PAGBAGSAK NG PNR

Sa Dekada ’70, na­ging prayoridad ng gob­yerno sa pagpapagawa ng mga highway. Hindi na masyadong napansin ang tren dahil nagkaroon na ng mga bus at jeepney, at nagkaroon na rin ng mga tricycle, gayundin ang mga kotse at van. Nagkaroon na rin ng Philippine Airlines na mas mabilis kesa tren. Mula naman sa bandang huli ng 1990s hanggang kasalukuyan, sira-sira at pangit ang mga bagon ng PNR dahil napabayaan, na-mismanage at sinira ng bagyo.

Noong 1995, malaki ang nawasak ni supertyphoon Rosing sa mga riles sa pagitan ng Lucena at Naga na naisaayos lamang noong 2018. Muli itong winasak ng bagyong Milenyo noong September 28, 1996 na nagwasak sa tulay ng San Cristobal at iba pang inprastraktura ng PNR sa Quezon at Camarines Sur. Sinundad pa ito ng Bagyong Reming noong November 30, 1996 na sumira naman sa tulay ng Travesia sa parteng Ligao-Guinobatan, bukod pa sa nawasak din ang mga istasyon ng PNR pati na ang mga pasilidad sa komunikasyon.

Sa panahon ng panunungkulan ni dating pangulong Corazon Aquino, ipinasara ang North Main Line ng PNR pati na ang South Rail dahil sa mga bagyo at sa pagputok ng bulkang Mayon noong 1993, kung saan nawasak ng lava at abo ang mga riles sa Legazpi pati na ang kanilang mga pasilidad.

IKALAWANG REHABILITASYON

Sa panahon ng panunungkulan ni Gloria Macapagal Arroyo, mu­ling ipinaayos ang mga riles ng PNR. Inuna nila ang pagpapaalis at pag­lilipat sa mga iskwater na nakasasagabal sa mga riles. Nangutang ang gob­yerno ng badyet upang ma-revive ang North Mainline ngunit may mga nagbulsa ng mga komisyon. Gayunman, nagamit pa rin ito at hanggang sa kasalukuyan ay naging metro-commuter diesel multiple units (DMUs) na binili sa South Korea. Hindi pa rin maayos ang schedule ng pag-alis at pagdating ng PNR trains ngunit malaki ang naitutulong nito sa mga estudyante at trabahador na naghahabol na makarating sa oras sa kanilang pupuntahan.

Sa panahon ng panungungkulan ni President Benigno Noynoy Aquino III mula 2010 hanggang 2016, muling napatakbo nang maayos ang tren at hanggang sa kasalukuyan ay nagli­lingkod ito sa mamamayang Filipino.

At ngayon, mukhang napapabayaan uli ang PNR. Hindi nga ba sa lahat ng panahon at pagkakataon, nariyan ang PNR – na pinoy na pinoy at handang maglingkod sa Pinoy.

Comments are closed.