PANSAMANTALANG ihihinto ng Philippine National Railways ang operasyon nito sa Metro Manila ng limang taon upang bigyang-daan ang konstruksiyon ng North-South Commuter Railway (NSCR) simula March 28.
Ayon sa PNR, saklaw ng tigil-ops ang Governor Pascual-Tutuban at Tutuban-Alabang operations nito.
Sinabi ng PNR na pabibilisin nito ang konstruksiyon ng NSCR ng walong buwan at makatitipid ng P5.18 billion.
Inaasahang pabibilisin ng 147-kilometer NSCR ang biyahe mula Clark, Pampanga hanggang Calamba, Laguna sa wala pang dalawang oras. Maseserbisyuhan nito ang 800,000 pasahero araw-araw at mapaluluwag ang trapiko sa Metro Manila.
Ayon sa PNR, maglalagay ng alternatibong ruta ng bus ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) para sa mga apektadong pasahero.
“Buses are expected to drop off and pick up passengers near the current Tutuban-Alabang route,” ayon sa PNR.
Ang southbound buses ay dadaan sa Divisoria (Tutuban), Mayhaligue Street, Abad Santos Avenue, Recto Avenue, Legarda Street, Quirino Avenue, Nagtahan Flyover, Mabini Bridge, Quirino Avenue, Osmeña Highway, Nichols Entry, SLEX, Bicutan Exit, Bicutan Entry, at Alabang (Starmall).
Dadaan naman ang northbound buses sa Alabang (Starmall), Manila South Road, East Service Road, Alabang (Entry), SLEX, Bicutan Exit, Bicutan Entry, Nichols Exit, Osmeña Highway, Quirino Avenue, Legarda Street, Recto Avenue, Abad Santos Avenue, Mayhaligue Street, at Divisoria (Tutuban).
Ang southbound trips ay magsisimula sa alas-7:30 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi, habang ang northbound trips ay mula alas-5 ng umaga hanggang alas-6:10 ng gabi.