PNVF CHALLENGE CUP: BUENA MANO SA LADY BLAZERS, LADY KNIGHTS, LADY RED SPIKERS

Mga laro ngayon:

(Rizal Memorial Coliseum)

8 a.m. – Angatleta-Orion, Bataan vs JRU (men’s)

10 a.m. – PGJC Navy vs Plaridel, Quezon (men’s)

12 p.m. – UE Cherrylume vs Arellano (men’s)

2 p.m. – Sta. Rosa City vs EAC (men’s)

4 p.m. – LPU-Batangas vs UP (women’s)

6 p.m. – Arellano vs University of Batangas (women’s)

MAGAAN na dinispatsa ng NCAA champion College of St. Benilde ang Parañaque City, 25-6, 25-25-20, 25-17, upang mainit na simulan ang kanilang kampanya sa Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Challenge Cup kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.

Tinapos ng Lady Blazers, winalis ang huling dalawang NCAA seasons, ang kanilang katunggali sa loob lamang ng 65 minuto para sa matikas na simula sa Pool A.

Pinangunahan ni ace middle blocker Zamantha Nolasco ang panalo ng St. Benilde, katuwang sina Wielyn Estoque at Corrine Apostol.

Nagtala rin ang Colegio de San Juan de Letran at San Beda U ng impresibong debut wins sa women’s division na tinatampukan ng 16 teams para sa dating  Champions League ng PNVF na pinamumunuan ni Ramon “Tats” Suzara.

Ginapi ng Lady Knights ang Rizal Technological University-Basilan, 25-22, 25-11, 22-25, 25-13, sa Pool C habang pinataob ng Lady Red Spikers ang La Salle-Dasmarinas, 25-19, 25-17, 25-16, sa Pool D.