PNVF CHAMPIONS LEAGUE CROWN SA PETRO GAZZ

WINALIS ng Petro Gazz ang dating undefeated Cignal, 25-19, 27-25, 25-22, upang magreyna sa 2024 Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Champions League nitong Sabado sa Rizal Memorial Coliseum.

Gayunman ay kinailangang malusutan ng Angels ang third set rally ng HD Spikers matapos ang serye ng comeback attempts, sa pangunguna ni Glaudine Troncoso, na bumanat ng back-to-back attacks upang tapyasin ang deficit sa isa, 19-20.

Gayunman ay sumagot si Sabete ng dalawang magkasunod na kills na naging krusyal dahil binigyan nito ang Petro Gazz ng 22-19 kalamangan bago pinalo ni middle blocker Remy Palma ang bola mula sa kamay ni Roselyn Doria, 23-20.

Pagkatapos ay gumawa si Troncoso ng costly attack error na nagbigay sa  Petro Gazz ng championship point sa 24-21.

Naisalba ng sariling attack error ni Palma ang isa para sa Cignal, subalit sinelyuhan ni Filipino-American Brooke Van Sickle ang deal nang malusutan niya ang block ni Doria para sa game-winning point.

Naiuwi ng Petro Gazz  ang korona laban sa Cignal, isang koponan na walang talo bago ang salpukan para sa gold, makaraang walisin ang elimination round na may 4-0 kartada tungo sa five-set win laban sa College of Saint Benilde sa semifinals.

Samantala, dinispatsa ng Chery Tiggo ang College of Saint Benilde, 25-20, 25-13, 25-13, sa bronze medal.

Nanguna si opposite hitter Mylene Paat para sa Crossovers na may 8 attacks at 3 blocks, habang umiskor si skipper Aby Maraño ng 8 kills na sinamahan ng 2 blocks at 2 service aces.

Nagdagdag si Ara Galang ng 9 attacks at isang block para sa  Chery Tiggo, na nangailangan ng isang oras at 21 minuto upang kunin ang panalo.

CLYDE MARIANO