POBRE, GUTOM NA PAMILYANG PINOY NABAWASAN

BUMABA ang bilang ng mga pamilyang Pinoy na nagsabing mahirap at nakaranas sila ng gutom sa first quarter ng 2024, ayon sa bagong survey ng OCTA Research.

Sa Tugon ng Masa survey na isinagawa noong March 11-14, 2024, lumitaw na ang self-rated poverty sa bansa ay nasa 42 percent, mas mababa ng 3 percent kumpara sa 45 percent na naitala sa kaparehong survey na isinagawa sa fourth quarter ng 2023.

Katumbas ito ng 11.1 milyong pamilya kumpara sa 11.9 milyong pamilya na naitala noong Disyembre 2023.

Ayon sa OCTA, ang 3 porsiyentong pagbaba na katumbas ng 800,000 pamilya, ay kumakatawan sa patuloy na downward trend sa self-rated poverty na naobserbahan noong Hulyo 2023 nang ang self-rated poverty ay nasa 50 percent.

“It must be noted that self-rated poverty has been going down at a modest rate for the last five quarters starting July 2023,” ayon sa OCTA.

Ipinaliwanag ng pollster na sa mga itinuturing ang kanilang pamilya na mahirap, ang median amount na kailangan nila para sa mga gastusin sa bahay upang hindi matawag na pobre ay P20,000 kada buwan.

Ang self-rated poverty ay pinakamataas sa Mindanao sa 71 percent, sumusunod ang Visayas sa 47 percent, Metro Manila sa 29 percent, at Balance Luzon sa 28 percent.

Pagdating sa self-rated hunger, lumitaw sa survey na nasa  11 percent, o tinatayang 2.9 milyong pamilyang Pinoy, ang nakaranas ng involuntary hunger sa nakalipas na tatlong buwan.

Ang March 2024 self-rated hunger figure ay mas mababa ng 3 percent kumpara sa  14 percent, o 3.7 milyong pamilya, sa December 2023 survey.

Sa major areas, ang mga  respondent na nagsabing ang kanilang pamilya ay nakaranas ng gutom ay pinakamataas sa Visayas sa 13 percent (mula 19 percent), na sinundan ng Mindanao sa 12 percent (mula 18 percent), Balance Luzon sa 9 percent (mula 11 percent) at Metro Manila sa 9 percent (mula 8 percent).

(PNA)