SA ipinakikita ni Ernest John “EJ” Obiena ngayong season ay sinabi ni Philippine Olympic Committee (POC) president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino na kumpiyansa siyang makasusungkit ito ng medalya sa Paris Olympics sa susunod na taon.
“He’s making sure he’ll get there,” sabi ni Tolentino, isang araw makaraang ma-clear ni Obiena ang 6.0 meters sa ikalawang pagkakataon ngayong taon para sa silver medal finish sa world athletics championships sa Budapest noong Linggo.
“It’s not only skills and physicality that’s gone elite on EJ, but his focus and mental approach to his sport,” dagdag ni Tolentino.
Tanging si Olympic champion at world record holder Armand Duplantis ang nakatunggali ni Obiena para sa gold medal sa Hungary.
Nakopo ng Swede ang ikalawang sunod na world championships title sa 6.10m kung saan binigyan ni Obiena si Duplantis ng matinding hamon — ang Asian record holder ay nagtangka sa 6.05 at maging sa 6.10, patunay ng kanyang warrior-attitude sa field.
“It’s a year to go before Paris, one full year for EJ to get better and better,” ani Tolentino. “He’ll have plenty of time to focus on setting the bar higher, and qualifying for Paris won’t be one of his challenges anymore, he’s in.”
Si Obiena ay halos perfect sa kasalukuyang season kung saan umakyat ito sa podium sa 19 sa 20 indoor at outdoor competitions na kanyang nilahukan.
Tinalo na rin ni Asian at Southeast Asian Games champion Obiena si Duplantis sa Diamond League’s leg September noong nakaraang taon sa Brussels kung saan nagwagi siya ng gold na may 5.91m habang nagkasya si Duplantis sa silver makaraang ma-clear lamang ang 5.81m.
Nagwagi rin si Obiena ng silver sa Monaco Diamond League noong nakaraang July 23 habang si Duplantis ay nagkasya sa fourth place.
Susunod na sasabak si Obiena, na pang-11 sa 12 finalists sa kanyang Olympic debut sa Tokyo 2020, sa Asian Games sa susunod na buwan sa Hangzhou at dahil walang Asian pole vaulter na nakapantay sa kanyang numero, sinabi ni Tolentino na sigurado na rin siya roon.
Subalit umaasa si Tolentino na mas marami pang Filipino athletes ang makakakuha ng tickets sa Paris sa Olympic qualifying window na magtatapos sa June 30 sa susunod na taon.
Ayon kay Tolentino, ang Asian Games ay nag-aalok din ng puwesto sa Paris.
“We’re hopeful for more Filipino athletes to get to Paris via Hangzhou,” aniya.
-CLYDE MARIANO