KUNG susuriin, maaaring mas mataas pa ang nakamit ng Pilipinas sa fighting fifth-place finish nito sa katatapos na Southeast Asian Games sa Cambodia.
“It was really a strong performance,” pahayag ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham Tolentino sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes sa Rizal Memorial Sports Complex.
Ang Pilipinas ay nagpadala ng 840 atleta sa Cambodia at nag-uwi ng 58 gold, 85 silver at 117 bronze medals, nahigitan ang medal haul na 52-70-104 sa Vietnam noong nakaraang taon.
Subalit sinabi ng POC chief na ang nawalang oportunidad sa labanan para sa gold ay nakaapekto sa kampanya ng bansa na makaakyat sa podium sa likod ng Vietnam, Thailand, at Indonesia, at ng host country na tumapos na pang-apat.
Tinukoy ni Tolentino ang katotohanan na 40 sa 87 silver medals ng Filipino athletes sa Cambodia ay nagmula sa subjective sports at ang resulta ay nasa kamay ng mga judge.
“Those 40 medals, nahati sa Vietnam and Cambodia. So, analyze it. Conservatively, (we lost) twenty golds,” ani Tolentino.
Ang Philippine contingent, dagdag pa ni Tolentino, ay mas maliit kumpara sa top three countries sa final medal tally, kung saan ang bawat isa sa kanila ay nagpadala ng 2,000 athletes.
Subalit masaya pa rin si Tolentino sa naging pagtatapos ng bansa sa biennial meet, at pinuri ang Filipino athletes sa kanilang magandang ipinakita.
Ang medal output ay kapos lamang ng isang gold medal sa 59 na napanalunan ng bansa sa 1987 SEA Games sa Jakarta, sa pangunguna nina late track queen Lydia de Vega-Mercado, swimmer Eric Buhain, at bowlers Paeng Nepomuceno at Crystal Soberano.
“Sayang. I was really looking at 60 golds for our athletes,” sabi ni Tolentino, na inaabangan na ang Asian Games sa Hangzhou, China sa September.
-CLYDE MARIANO