POCHERONG SOPAS: COMFORT FOOD NA MAY PINOY TWIST

POCHERONG SOPAS

KUNG may isa mang kinahihiligan ang mga bata, mula noon hanggang ngayon, iyan ay ang sopas. Napakaraming bersiyon ng sopas ang naiimbento sa panahon ngayong. Kaya’t ang simpleng sopas ay nagle-level up at lalong sumasarap.

Hindi nga naman mawawala sa mga hinahanap na pagkain ng mga Pinoy ay ang sopas. Ang malinamnam na lasa nito, mainit na sabaw na swak na pampainit sa malamig na panahon ay talaga nga namang katatakaman ng kahit na sinong makatitikim.

Likas naman sa ating mga Filipino ang mag-imbento ng sarili nating recipe depende sa mga sangkap na mayroon at sa kung anong naiisip nating kainin.

Isa sa masarap kainin ay ang pochero. Maraming kalse ng pochero. Mayroong pocherong manok, beef at pork. Kahit na anong klaseng karne pa ang gamit sa paggawa ng pochero, tiyak na ang katakamtakam na lasa nito ay maiibigan ng magkakapamilya at magkakabarkada.

At dahil isa ang pochero sa napakasarap lantakan sa kahit na anong panahon, swak na swak din ang paggawa ng Pocherong Sopas. Isipin mo na lang ang lasa ng sopas at pochero. Katakamtakam hindi ba?

Isa na namang recipe na bukod sa masarap ay napakadali lang lutuin ang ibabahagi namin sa inyo, at ang putaheng ito ay tatawagin nating Pocherong Sopas.

POCHERONG SOPAS RECIPE

Mga kakailanganing sahog:

  • ½ kilo ng luto nang elbow macaroni
  • 1 puting sibuyas, tinadtad
  • 2 piraso ng bawang, tinadtad
  • ½ kilo ng beef sirloin, hiniwang maliliit na cubesPOCHERONG SOPAS WITH EGG
  • 3 ½ baso ng tubig
  • 1 dahon ng laurel
  • Pamintang buo
  • 1 kamatis, cubes
  • 3 kutsarang patis
  • 250 grams ng tomato sauce
  • 1 patatas, cubes
  • 1 saba, cubes
  • 1/8 cup ng garbanzos
  • ¼ repolyo, hiniwa
  • 2 kutsarang tubig at 1 ½ kutsara ng cornstarch
  • 2 kutsarang mantika

Paraan ng pagluluto:

Ihanda ang lahat ng kakailanganing sangkap. Mas mapadadali ang pagluluto kung lahat ng iyong kakailanganing sangkap at kagamitan ay malinis at nakahanda na.

Kapag nakahanda na ang mga kakailanganin, igisa na ang bawang at sibuyas. Sunod namang ilagay ang kamatis at hintayin itong lumambot hanggang dalawa o tatlong minuto.

Pagkatapos ay maaari nang ilagay ang beef sirloin. Haluin sandali at hayaan munang magisa saka ilagay ang dahon ng laurel.

Ibuhos na ang tubig tsaka ilagay ang pamintang buo. Hayaang kumulo.

Kapag kumulo na ay magkasunod na ilagay ang patis at tomato sauce. Haluin ito at hayaang kumulo ulit sa loob ng isa o dalawang minuto.

Puwede nang ilagay ang patatas, saba, at garbanzos. Takpan ito at hayaang kumulo hanggang sa maluto ang mga bagong inilagay na sangkap. Saka naman ilagay ang repolyo at hayaan muna itong maluto sandali bago sunod na ilagay ang cornstarch mixture.

Hintaying lumapot ang sabaw at dahan-dahang ilagay ang luto nang sopas. Haluin sa loob ng isang minuto bago patayin ang apoy.

Ready to serve na ang pocherong sopas!

Karaniwan na sa atin ang lutong pochero, gustong-gusto rin natin ang karaniwan na­ting pag­luluto sa ating creamy sopas. Pero itong bagong recipe ay tiyak din namang papatok sa ating panlasa. Kaya ano pang hinihintay? Subukan nang mag-level up ng comfort food para sa mag-anak. Mag-experiment na sa kusina! LYKA NAVARROSA

Comments are closed.