SPAIN – ILULUNSAD ng Filipinas sa Spain ang mobile application na magsisilbing “pocket embassy” para sa Filipinos partikular ang overseas Filipino worker at mga bumibisita sa Spain bago matapos ang 2019.
Sinasabing ang Filipinas ay kauna-unahang application para sa Philippine foreign service.
“This is like a pocket embassy. Narito ‘yung importante… nandito lahat, all the rules, assistance to nationals, ATM (automated teller machine), ano dapat mong gagawin, anong kailangan mo, find it right here,” ayon kay Philippine Ambassador to Spain Phillippe Lhuillier.
Aniya, ang mga feature ng apps ay para sa consular services, submission of documents, contact and emergency information sa Philippine embassy and Spanish government, at kahit na sa OFW corner kung saan maaaring makipag-usap ang Filipino sa Philippine Overseas Labor Office at sa Overseas Workers Welfare Administration.
Asahan din aniya na madaragdag pa ang iba pang serbisyo sa mga susunod na panahon gaya ng financial service capabilities gaya ng money transfers at foreign exchange rates, e-commerce, at e-banking. EUNICE C.