POE: CONNECTIVITY KRUSYAL SA INCLUSIVE E-LEARNING

SEN POE

BILANG paghahanda sa tinatawag na ‘new normal’, partikular sa pag-aaral, hiniling ni Senadora Grace Poe kay Pangulong Rodrigo Duterte na atasan ang lahat ng mga kinauukulang ahensiya at opisyal ng pamahalaan na kumilos at alisin ang mga balakid sa pagtatayo ng cell sites.

Layon nito, ani Poe, na maging maayos ang komunikasyon at koneksiyon sa mga estudyante sa ilalim ng ipatutupad na ‘e-learning’ dulot na rin ng kinakaharap na krisis ng bansa.

“Nananawagan tayo sa ating Pangulo na pakilusin ang mga sanhi ng balakid sa pagtatayo ng mga kinakailangang imprastraktura para maabot ng makabagong edukasyon ang ating mga kabataang nangangarap na umunlad sa buhay ,” giit ni Poe,  chairman ng Senate committee on public services.

Ito ang naging reaksiyon ng senadora makaraang ihayag ng Department of Information and Communications  Technology (DICT) ang kakulangan ng cell sites sa bansa kung saan nasa 20,000 towers lamang ang naipatayo kumpara sa 70,000 cell sites ng Vietnam.

“We need as much towers as we can have, which are compliant to safety and environmental standards,” ani  Poe at iginiit na kinakailangan pang magtayo ang bansa ng 50,000 cell sites.

Sinabi ng senadora na ginagarantiya ng Kontitusyon na bigyang prayoridad ang edukasyon at teknolohiya, “accelerate social progress and promote total human development.”

Base sa kasalukuyang Speedtest Global Index, mula sa 174 na bansa, ang Filipinas ay nasa 110 na isa sa may pinakamabagal na internet connection  na nasa 21 mbps kumpara sa global average na 74.74 mbps.

Dahil dito, sinusuportahan ni Poe ang pagkakaroon ng  inclusive common cell tower policy upang mas makapamili ng mas mabilis na koneksiyon sa murang halaga.

Gayundin, umaasa ang senadora na isusulong ni Pangulong Duterte ang mabilis na pagtatayo ng cell sites na tinalakay na sa mga telcos company.

Si Poe ang isa sa  co-author ng  Republic Act 11032 o ang “The Ease of Doing Business Act” na ang mandato ng lokal na pamahalaan ay i- streamline ang pag-apruba ng permits at licenses para sa pagtatayo ng cell towers.

Binigyang-diin ni Poe na mahalaga ang  telecommunications work, kabilang ang  pagtatayo ng cell sites na pinayagan kahit na may lockdown na nakapaloob sa ilalim ng Inter-Agency Task Force on COVID-19 guidelines.

Kasabay nito, hinihiling ni Poe sa  telcos at internet providers na makipagtulungan sa pamahalaan upang masuportahan ang onlinr education ng mga mag-aaral.

“Many children lack the most basic needs, including tools and resources to learn amid the pandemic. Our students need all the support so that no one is left behind,” ani Poe .

“Ayaw nating lahat na masadlak sa kawalan ng kinabukasan at kapariwaraan ang ating mga kabataang kailangang manatili sa tahanan sa gitna ng pandemya. Tiyakin natin ang kanilang pag-usad sa kaalaman at kakayahan, ” dagdag pa ng senadora.  VICKY CERVALES