POE KABADO SA LUMOLOBONG CHINESE WORKERS

poe

LABIS ang pagkabahala ni Sen. Grace Poe sa patuloy na pagdagsa ng hindi dokumentadong Tsino na nagtatrabaho sa   bansa dahil tila naagawan nila ng trabaho ang mga Pinoy.

“Hindi dapat pumasok ng ating bansa ang mga nasabing dayuhan sa pagkukunwari bilang turista ngunit magtatrabaho naman pala,” ani Poe. “Ang dapat, mas maging mahigpit ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Bureau of Immigration (BI) sa pagbibigay ng visa sa mga Tsino.”

Idiniin ni Poe na ilang  Chinese ang gumagamit ng ilegal na pasaporte ng Fi­lipinas para lamang makapagtrabaho sa ating bansa.

“Ayaw kong ang mga Filipino ang nawawalan ng trabaho at kailangan pang mangibang bansa para magkaroon ng kabuhayan,” ani Poe.

Ayon kay Atty. Homer Arellano, pinuno ng prosecution and legal assistance section ng BI, may ilan lamang pagkakataon na may nahuling Chinese nationals na gumagamit ng illegal Philippine passport.

Ayon naman sa DOLE, ilan sa mga pumapasok na Chinese citizens sa bansa ay mga turista ngunit nakakukuha ng special working permit para makapagtrabaho.

Wala namang talaan ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) sa bilang ng Chinese nationals na nagtatrabaho sa online gaming, kahit pa karamihan sa mga inis­yung special working permit ay para sa mga Chinese nationals na nagtatrabaho sa Philippine offshore gaming operations.

Sa kabuuang 1.66 milyong tourist visas na inisyu ng Department of Foreign Affairs (DFA), 18 lamang na employment visa para sa Chinese nationals ang naiproseso.

Nanawagan si Poe na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa loob ng mga ahensiya at bumisita sa mga lugar kung saan sila nagtatrabaho para masigurong may kaukulang dokumento.

May natanggap pang ulat si Poe na mga Chinese national ang magsisilbing construction workers at contractors sa rehabilitas­yon ng Marawi gayong dapat na maunang ma­kinabang ang mga Filipino.

Hinimok ni Poe ang mga kaukulang ahensiya na higpitan ang mga panuntunan sa pag-isyu ng tourist at work visas para sa mga banyaga. Aniya, magiging mapanganib kung tuluyang nakasalalay ang ekonomiya ng bansa sa kung sakaling umalis sila rito.

Nararapat ding ma­kipag-ugnayan ang Fi­lipinas sa gobyerno ng China para masigurong walang criminal records ang sinumang papasok sa bansa.

Sa pagdami ng Chinese nationals na nag­reresulta rin sa paglobo ng presyo ng ari-arian tulad ng con-dominium, sinabi ni Poe na maaaring ito ay dulot ng “superficial market conditions” dahil sa pangan-gailangan sa espasyo.