UMAASA si Senadora Grace Poe sa matatag na pagsuportang makukuha niyang muli sa mga Pangasinense para sa nalalapit na midterm elections sa Mayo.
Inilunsad ni Poe, na naglalayong makamit ang kanyang pangalawang termino bilang independiyenteng kandidato, ang provincial leg ng kanyang campaign sorties nitong Martes, Pebrero 19 sa mayaman sa botong lalawigan ng Pangasinan, ang lalawigan ng kanyang ama, ang yumaong Hari ng Pinilakang Tabing na si Fernando Poe, Jr. (FPJ).
Hindi maikakaila kay Poe na parang nasa bahay lamang siya kada nagbabalik sa lalawigan ng amang umampon sa kanya.
“Ito ay probinsiya ng aking ama at itong mga kababayan niya ay tinanggap din ako nang buong-buo at hindi po nagbago ang kanilang tiwala at ako’y nagpapasalamat,” pahayag ni Poe at idinagdag pang nakatataba ng puso ang walang humpay na pagsuporta ng mga Pangasinense.
Unang binisita ni Poe ang Pangasinan State University-San Carlos campus kung saan sinalubong siya ni City Mayor Joseres Resuello, Vice Gubernatorial candidate Mark Ronald Lambino, Board Member Darwina Sampang, Councilor Sammy Millora at iba pang lokal na opisyales.
Inihatag ng Pangasinan ang mga boto kay Poe sa kanyang 2013 senatorial bid gayundin sa 2016 presidential elections na pawang nakamit niya ang pinakamataas na bilang ng boto sa lalawigan. Kabilang ang Pangasinan sa tinaguriang Solid North at pangatlo sa buong kapuluan na may pinakamataas na populasyon ng mga botante na 1.8 million voters.
Hindi ito nakalimutan ni Poe kaya lubos pa rin ang pasasalamat sa matatag na pagsuporta sa kanya at maging sa paglaban sa 2004 Presidential election ni “Da King”.
“Aside from the warmth that they extend, we also have friends and relatives here. Kaya ‘pag pumupunta ako rito, hindi ako bumibisita, umuuwi ako. Siguro ako lang ang isa sa iilan sa tumatakbong senador na may ugat dito sa Pangasinan,” wika ni Poe.
Sa Virgen Milagrosa University Foundation, may 3,000 estudyante ang sumalubong kay Poe na dumalo naman sa isang student forum.
Nagpatuloy ang pangangampanya ni Poe sa kalapit bayang Bayambang at doon nakipagpulong kina Mayor Cezar Quiambao at Engr. Rosendo So, Chairman ng multi-industry alliance Samahan ng Industriya at Agrikultura at Abono partylist.
Comments are closed.