POE, NANGUNGUNA PA RIN SA MGA SURVEY

grace poe

SA PANGUNGUNA sa mga survey ng Issues and Advocacy Center (The Center) nitong Nobyembre 12-18, 2018, Radio Mindanao Network (RMN) 2019 Election Survey nitong Nobyembre 7-17, 2018 at halos dikit kay Sen. Cynthia Villar sa huling survey ng Social Weather Station (SWS) nitong Disyembre 16-19, nakatitiyak si Sen. Grace Poe na magiging ­topnotcher sa nalalapit na midterm elections sa Mayo.

Isa si political strategist at statistician Janet Porter sa maraming naniniwala na mangunguna pa rin ang anak ng yumaong aktor na si Fernando Poe, Jr. (FPJ) sa dara­ting na halalan.

“May mahika pa rin si FPJ lalo sa Visayas at Min­danao kaya tiyak na siya ang magiging topnother sa buong Filipinas,” ayon sa tubong Cavite na si Porter. “Mala­king bagay ang nagawa ni Poe sa Senado lalo ang pagpapahaba ng validity ng ating mga pasaporte at drivers’ license sa 10 taon.”

“May ‘FPJ Magic’ pa rin kaya tiyak na si Grace Poe ang iboboto ng mga tagahanga ni ‘Da King’ lalo sa Visayas at Mindanao,” dagdag ni Porter.

Sinabi naman ng kontratistang si Willy Sumook ng Brgy. Matarinao, Salcedo, Eastern Samar na malakas pa rin ang “FPJ Magic” kaya iboboto ng buong pamilya niya si Poe.

“Talagang hanga-hanga kami kay Sen. Poe dahil nakuha niya ang katangian ni FPJ na matapang, tapat sa tungkulin, tumutupad sa ­pangako at maipagmamalaki bilang Filipino,” ani Sumook.

Sa SWS survey, nakakuha si Villar ng 62 porsiyento (%), katumbas ng tinatayang 37 milyong boto, kadikit si Poe na nagtamo ng 60% o tinatayang 36.4 milyong boto sa survey sa 1,500 katao na tinanong nang harapan o one-on-one.

Comments are closed.