SA patuloy na pagiging No. 1 ni Sen. Grace Poe sa nakaraang limang survey, naniniwala ang mga tagamasid pampolitika na mahihirapan nang tibagin ang anak ng dating aktor na si Fernando Poe Jr. (FPJ) sa pangunguna sa midterm elections sa Mayo 13, 2019.
Nanguna si Poe sa 2019 Pulso ng Pilipino Tracking survey ng The Issues and Advocacy Center (The Center) nitong Enero 4 hanggang Enero 8, 2019 at sa pinakahuling resulta ng survey ng Pulse Asia Research Inc. kaugnay ng 2019 Elections Senatorial Preferences nitong Disyembre 14-21, 2018.
Bago ito, si Poe rin ang No. 1 sa mga survey ng Issues and Advocacy Center (The Center) nitong Nobyembre 12-18, 2018, Radio Mindanao Network (RMN) 2019 Election Survey nitong Nobyembre 7-17, 2018 at halos dikit kay Sen. Cynthia Villar sa huling survey ng Social Weather Station (SWS) nitong Disyembre 16-19, 2018 kaya nakatitiyak si Poe na magiging topnotcher sa nalalapit na halalan sa Mayo 13.
Idiniin ng political consultant at statistician na si Janet Porter na malaking bentahe ang performance ni Poe sa Senado dahil nagpakita siya ng political will sa mga isyu tulad ng pagkontra sa pagpapababa sa minimum age of criminal responsibility (MACR) sa siyam na taong gulang na nakapasa sa Kamara ng mga Representante pero binago sa 12-anyos.
“Hindi nagbago ang posisyon ni Sen. Poe sa isyung ito dahil noong 2016 ay naghain siya ng Senate Resolution 157 bilang pagtutol sa pagpapababa ng MACR kaysa umiiral ngayon na 15-anyos,” sabi ni Porter na tubong Cavite.
Naunang tinutulan ni Poe ang pagpapababa sa pananagutang kriminal ng mga bata sa edad na siyam na lilikha ng “kindergarten prisons” sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, 15-anyos ang minimum age of criminal responsibility (MACR) sa bansa.
“Hindi nagbabago ang posisyon ko,” ani Poe. “Ang pagpapababa sa MACR ay kontra-mahirap dahil karamihan sa mga batang nagkakaproblema sa batas ay nagmula sa pamilya ng mga dukha at hindi makakakuha ng serbisyong legal.”
Idinagdag niya na hindi tugon ang pagpapababa sa edad para malutas ang juvenile offenses kundi makakadagdag pa sa malubha nang problema.
“Kung ginagamit ng mga sindikato ang mga bata sa kung ano-anong krimen, bakit hindi nila habulin ang mga sindikato?” tanong ni Poe. “Lilikha lamang tayo ng mga kindergarten prisons kung ibababa ang MACR na sa halip mai-rehabilitate ang mga bata ay magtatapos ang mga ito sa ilalim ng mga eksperto sa sari-saring krimen.”