POEA NAGBABALA SA RECRUITMENT PARA SA TRAINING PROGRAM NG JAPAN

NAGPAALALA ang Philippine Overseas Employment Agency (POEA) sa mga lisensiyadong recruitment agency na hindi pa pa­nahon para magsimula ang mga ito sa pagkalap ng mga aplikante para sa Technical Intern Training Program ng Japan.

Ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia, may natatanggap silang mga ulat tungkol sa ilang lisensiyadong agency na nagsisimula nang magsagawa ng recruitment activities katulad ng manpower pooling para sa caregiver at care assistants.

Sa advisory na inilabas ni Olalia, nagpaalala ito na  wala pang inilalabas na guidelines ang kanyang tanggapan ukol sa naturang programa ng Japan.

Kaya naman hindi pa, aniya, maaaring magsagawa ng anumang recruitment process ang naturang mga ahensiya.

Ayon kay  Olalia, malinaw na isang paglabag sa 2016 Revised POEA Rules and Regulations Governing the Recruitment and Employment of Land-based Overseas Filipino Workers kung  ipagpapatuloy pa ng naturang mga recruitment agency ang pagkuha ng mga aplikante.

Kaugnay nito, hinikayat ni Olalia ang mga job seeker na agad na ipagbigay-alam sa POEA ang mga ginagawang hindi awtorisadong pagre-recruit ng nabanggit na mga ahensiya.   VERLIN RUIZ

Comments are closed.