NAG-ISYU na ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ng mga panuntunan na dapat sundin ng mga recruiter at employer, na nais magpadala ng overseas Filipino workers (OFWs), partikular na ng household helpers patungo sa Kuwait.
Alinsunod na rin ito sa memorandum of understanding (MOU) na nilagdaan ng pamahalaan ng Pilipinas sa Kuwaiti government kamakailan.
Nakasaad sa guidelines na bago mai-deploy sa Kuwait ay kailangan munang matiyak na ang isang OFW ay may access sa legal assistance, komunikasyon, at dispute settlement mechanisms, mula sa Kuwaiti at Philippine government.
Kinakailangan din na may karapatan ang mga ito na magkaroon ng mobile phone at iba pang communication devices para sa pakikipagkomunikasyon ng manggagawa sa kanyang pamilya at mga awtoridad kung kakailanganin.
Hindi rin dapat na kunin o itago ng employer ang mga personal na dokumento ng domestic worker, partikular na ang kanyang pasaporte.
Dapat din umanong magpakita ang employers ng katunayan na may kapasidad o kakayahan sila na magpasuweldo ng kanilang empleyado.
Sa panig naman ni Labor Attache to Kuwait Resty Dela Fuente, tiniyak nito na istrikto nilang ipatutupad ang naturang guidelines.
Batay sa datos ng POEA, mahigit 100,000 OFWs ang kasalukuyang nagtatrabaho sa Kuwait.
Matatandaang una nang nagpatupad ng total deployment ban ng OFWs sa Kuwait si Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang mga insidente nang pang-aabuso sa mga Pinay domestic workers doon.
Ipinag-utos din ng pangulo ang pagpapauwi sa mga Pinoy sa Kuwait, ngunit lumala ang sigalot sa pagitan ng dalawang bansa nang maipaskil ang video kung paano sinasagip ng mga diplomatic staff ang distressed OFWs.
Binawi lamang ng pamahalaan ng Filipinas ang deployment ban nang pumayag ang Kuwaiti government na magpatupad ng mga karagdagang batas at panuntunan para maprotektahan ang mga manggagawang Pinoy na magtatrabaho sa kanilang bansa.
Humingi na rin naman ng paumanhin ang Duterte administration sa Kuwaiti government dahil sa mga kaganapan. ANA ROSARIO HERNANDEZ