SINABI ng Bureau of Immigration (BI) na bibilisan nila ang pagproseso ng mga aplikasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) o Internet Gaming Licensees (IGLs) para sa pag-alis ng mga dayuhang manggagawa mula sa bansa.
Ibinahagi ni BI Officer-in-Charge Commissioner Joel Anthony Viado na bumuo sila ng mga team na personal na pupunta sa mga kompanya ng POGO at IGL upang ipatupad ang on-the-spot na pagbaba ng kanilang visa status.
Ginawa ni Viado ang pahayag matapos dumalo ang mga kinatawan ng BI sa inter-agency meeting tungkol sa pagsasara ng POGOs na kinabibilangan ng Department of Justice (DOJ), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
”During the meeting, members agreed to conduct service days for POGO companies, where we will implement their downgraded visa status and issue exit clearances” sabi ni Viado.
Dagdag pa niya, makakasama rin ang mga kinatawan ng DOLE sa service days upang tanggapin ang mga isinusukong alien employment permits ng POGO workers.
Muling iginiit ni Viado ang naunang pahayag ng DOJ na ang lahat ng dayuhang manggagawa ng POGO ay binibigyan ng hanggang Oktubre 15, 2024 para kusang magpa-downgrade ng visa.
Ang mga hindi mag-aaplay bago ang nasabing petsa ay uutusan na umalis sa bansa sa loob ng 59 na araw.
Kung hindi makakaalis ang mga dayuhang manggagawa bago ang Disyembre 31, sisimulan ng BI ang proseso ng deportasyon laban sa kanila.
Sinabi ng BI na hanggang Setyembre 24, nakapag-downgrade na sila ng 5,955 visa at 55% sa mga ito ay nakaalis na ng bansa.
Ayon kay Viado, mas magiging hamon ang panahon sa 2025, kung saan ang mga tumangging umalis ay aarestuhin, ipade-deport at ibabawal na makapasok ulit sa Pilipinas.
RUBEN FUENTES