HINILING ng isang kongresista na isailalim sa inspeksiyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang lahat ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) companies sa bansa.
Ayon kay TUCP partylist Rep. Raymond Mendoza Mendoza, dapat na malaman kung tumatalima sa batas na nagbibigay-proteksiyon sa mga manggagawa ang 57 rehistradong POGO firms sa bansa lalo’t malaking pera ang sangkot dito.
Ipinapasailalim din sa audit ng Bureau of Immigration (BI) ang POGO companies para matiyak na hindi binibiktima ng mga ito ang holders ng Alien Employment Permits.
Ani Mendoza, responsibilidad ng DOLE na igalang ang karapatan ng bawat manggagawa anuman ang nationality o lahi nito.
Bilang isang bansa na nagpapaalis ng milyon-milyong manggagawa na hindi hinahayaang maloko sa ibayong dagat, dapat ding tiyakin na hindi mabibiktima ng exploitation ang mga legal foreign worker.
Ang panawagan ay kasunod na rin ng pagkamatay ng isang Chinese national na nahulog mula sa ikaanim na palapag ng isang gusali sa Las Piñas at nakatali pa ang dalawang kamay noong Agosto 9. CONDE BATAC