DAVAO DEL NORTE – NABISTO at binuwag ng National Bureau of Investigation (NBI) Region 11 ang isang ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub na nakatago sa isang warehouse sa Barangay Manay, Panabo City sa lalawigang ito.
Sa isinagawang pagsalakay nitong madaling araw ng Biyernes, naaresto ang 60 katao kabilang ang 56 Chinese, tatlong Malaysian at isang Pilipino.
Ang operasyon ng NBI ay orihinal na inilunsad bilang rescue mission para sa isang Malaysian na sinasabing dinukot ng mga Chinese.
Ngunit sa halip, natuklasan ng mga awtoridad ang ilegal na operasyon ng POGO na umano’y tatlong buwan nang tumatakbo.
Nakumpiska sa lugar ang iba’t-ibang kagamitan gaya ng mga pasaporte, ID, cellphone, baril, posas at baseball bat.
Ang sinasabing dinukot na Malaysian na hinihinalang manager ng operasyon ay nakatakas kasama ang iba pang suspek habang isinasagawa ang pagsalakay.
Sinusuri rin ng NBI ang mga rekord ng mga naarestong dayuhan upang alamin kung may mga nakabinbin silang kaso o may criminal record sa kanilang mga bansa.
RUBEN FUENTES