POGO HUBS, 100 NA LANG ANG NALALABI

IPINAHAYAG ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na bumaba na sa 100 na lang ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) hub na sinusubaybayan ngayon ng komisyon.

“Ayon po sa report na binigay sa amin ng PAGCOR (Philippine Amusement and Gaming Corporation), marami na ring nagsara at ‘yung iba naman tuloy-tuloy na talagang nagtitiklupan,” ang sinabi ni PAOCC executive director Undersecretary Gilbert Cruz sa isang panayam.

Kaya nga, kumpiyansang sinabi ni Cruz na makakaya na ng pamahalaan na alisin lahat ng latak ng illegal POGO sa bansa.

“Even if they turn to smaller groups, they would still converge and the indicators are still there. The indicators are obvious, especially at night. As I have said before, they are open at night because of our time zone. Their victims are operating in an opposite time zone,” ayon pa rin kay Cruz.

Dahil dito, dapat aniyang asahan ng publiko ang napipintong paghahain ng kaso laban sa mga local chief executive na sangkot sa illegal POGO activities.

Sinabi pa rin nito na ang joint investigation ng mga mambabatas, National Bureau of Investigation at iba pang ahensiya ng pamahalaan ay magkakaroon ng magandang resulta.

“Napagkabit kabit na natin kung sino sino talaga ‘yung mga involved sa POGOs. Marami na pong pangalan na lumabas,” dagdag ni Cruz.

Sa kabilang dako, nangako naman si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na personal niyang isasara ang lahat ng POGOs sa bansa sa Disyembre.

Matatandaang ginamit ni Pangulong Marcos ang kanyang pangatlong State Of the Nation Address (SONA) para ihayag na ganap na niyang ipinagbabawal sa Pilipinas ang anumang uri ng POGO operations.

Para sa Pangulo, dapat nang matigil ang lahat ng pambabastos sa sistema at batas ng bansa lalo’t kaakibat ng operasyon ng POGO ang prostitusyon, kidnapping, financial scamming, money laundering, torture, at maging ang pagpatay.
EVELYN GARCIA