POGO INDUSTRY MALAKING TULONG SA PINOY WORKERS

POGO WORKERS-4

DAHIL libre ang pagkain at may transportation allowance pa, malaki ang naiuuwing kita ng 23,000 Pinoy workers sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa kani-kanilang mga pamilya.

Ito ang sinabi ni Association of Service Providers and POGOs (ASPAP) spokesperson Atty. Michael Danganan, sa pagdinig ng Senado sa POGOs at tiniyak na marami pang maha-hire na mga Pinoy worker sa darating pang mga taon.

“Sa aming datos, mahigit po ang numero ng ating mga Filipino workers kumpara po sa mga foreign worker. So ‘yung tulong po na naibibigay, hindi lang po ‘yung kanilang suweldo, nagbibigay rin ng ibang benepisyo,” sabi ni Danganan.

“’Yung pong suweldo nila, ‘yan po bale ang kanila na pong naiuuwi kasi wala na pong masyadong expenses na iba. ‘Yun pong tulong nila sa kanilang pamilya, ‘yan po ay malaking bagay din po,” sabi pa niya.

“Malaki po ang tulong ng POGO industry sa pag-generate po ng employment sa ating mga kababayan,” ayon pa sa ASPAP spokesperson.

Nauna nang umapela ang grupo kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., gayundin sa mga mambabatas na tingnan ang posiblidad na maraming mawawalan ng trabaho sa oras na ipasara ang POGO industry sa Pilipinas.

Ang ASPAP ay binubuo ng 16 PAGCOR-licensed POGOs at 68 service providers at nag-e-empleyo ng 23,118 Pinoy at 17,130 foreign nationals.

Kasama rin sa operasyon ng mga miyembro ng ASAPA ang 129 tanggapan para sa customer relations service, IT support, live studio streaming at iba pa.

Ang breakdown ng mga Pinoy worker sa POGOs ay binubuo ng mga sumusunod: 31.4% na nagsisilbi bilang team leaders o supervisors, administrative assistances, sports handlers, kitchen staff, security officers, financial assistants at accounting assistants.

Samantala, 16% naman nito ay nagtatrabaho bilang data entryh clerks; 10.5% bilang customers service representatives at 10% bilang housekeepers. Ang natitirang trabaho ay general office staff, company drivers, payment officers, maintenance staff, dealers or presenters, data processors, at security guards.

VICKY CERVALES