NAIS ni ACT-CIS Cong. Eric Yap na bigyan ng identification card (ID) ang lahat ng Chinese workers sa bansa, lalo na ang mga nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).
Ayon kay Yap, chairman ng Committee on Games and Amusement sa Kongreso, ang pagbibigay ng ID sa mga Chinese at POGO workers ay upang mabatid at ma-monitor kung sino-sino ang legal at ilegal na nagtatrabaho sa bansa.
Aniya, malalaman din kung sino sa kanila ang nagbabayad ng buwis sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Nais din ng mambabatas na nakarehistro sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) at Bureau of Immigration (BID) ang ID na ibibigay sa Chinese POGO workers.
“Kapag may ID sila, madali nating malalaman kung legal o ilegal ang pagtratrabaho nila sa ating bansa at mamo-monitor din kung nagbabayad sila ng buwis sa BIR dahil nakarehistro ang ID nila sa PAGCOR at Bureau of Immigration (BID),” ani Cong. Yap.
Sinabi ni Cong. Yap, magiging madali na ring hanapin ang mga Chinese na sumabit at may kaso kapag may ID ang mga ito.
Magpapatawag si Cong. Yap ng pulong at iimbitahan ng kanyang komite ang iba’t ibang ahensiya para mapag-usapan ang guidelines hinggil sa issuance ng naturang IDs.
Comments are closed.