POGO WORKERS TUTUTUKAN

Labor Assistant Secretary Benjo Santos Benavidez

NANINDIGAN ang Department of Labor and Employment (DOLE) na dapat dumaan sa tamang proseso ang mga dayuhang nais magtrabaho sa bansa kaya naman paiigtingin nito ang inspeksiyon at pagbabantay sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Sa ginanap na BusinessMirror Coffee Club news forum sa Makati City, sinabi ni Labor Assistant Secretary Benjo Santos Benavidez na kasunod ng pagdaragdag ng 500 labor inspectors ng ahensiya, tututukan ng mga ito ang inspeksiyon sa mga POGO sa bansa upang matiyak na lahat ng kanilang foreign workers ay may kaukulang Alien Employment Permit (AEP) o Special Work Permit (SWP).

“Dumarating dito sa Filipinas ang mga POGO worker at may local recruitment agencies ‘yan. Sila po ang mga tina-track namin. We ask the foreign workers na wala pang permits to legitimize their stay. Pero marami pa rin pong hindi na nagko-comply. So we refer them to BI for appropriate action or deportation,” ani Benavidez.

Hulyo 2019 nang lagdaan ng DOLE, DOF, DOJ, BIR, PRC, NICA, DFA, BI, DENR at PAGCOR ang Joint Memorandum Circular No. 001, series of 2019, na nagtatakda ng mga panuntunan at regulasyon upang bigyang pahintulot ang mga dayuhang manggagawa na magtrabaho sa Filipinas.

Iginiit din ng opisyal na kinakailangan ng ahensiya ng isang database na may link sa lahat ng mga kagawaran ng pamahalaan tulad ng Bureau of Immigration upang magtugma ang mga datos at detalye na kanilang hawak at matiyak ang pagkakakilanlan ng mga taong nabibigyan ng permit.

Maliban sa pagtiyak na may AEP ang mga foreign worker, nais din ng DOLE na magbayad ng tamang buwis sa BIR ang mga dayuhan.

Mula, aniya, nang lagdaan ang JMC ay dumami na ang mga dayuhang nagtutungo sa mga opisina ng DOLE upang kumuha ng AEP.

Nilinaw ng opisyal na mabibigyan lamang ng DOLE ng AEP ang isang dayuhan kung mapatutunayang hindi kayang gawin ng Filipinong ­manggagawa ang trabahong gagampanan ng da­yuhan. Partikular dito ang mga dayuhan na fluent sa Chinese, Mandarin at Fook Yuen language. Ginagawa ito sa pamamagitan ng isang labor market test.

“Mahigpit kasi ang mga POGO employer. Iba-iba po ang klase ng Chinese language at Fook Yuen, at itong mga group of individual lang na ito ang capable pero magbayad kayo ng fees, magbayad kayo ng tamang buwis sa BIR, ‘yan po ang kondisyon,” dagdag pa ni Benavidez. PAUL ROLDAN

Comments are closed.