MAGKAKAROON na ng mas mahigpit na monitoring sa tumataas na bilang ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) workers sa bansa.
Ayon kay House Committee on Games and Amusement Vice Chairman at Ang Probinsyano Rep. Ronnie Ong, ipatutupad na sa Enero ng susunod na taon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ang pagbibigay ng Gaming Employment License o GEL ID sa POGO workers.
Giit ni Ong, kailangan talaga ng sistema para sa monitoring ng mga POGO employee sa bansa lalo pa’t lumalaki na ang naturang industriya at dumarami ang mga naitatalang POGO-related crimes sa bansa.
Makatutulong din, aniya, ang GEL ID para sa maayos na pagdodokumento sa mga ito, tamang pagbabayad ng buwis at para mabigyan din sila ng proteksiyon laban sa mga extortionist.
Para mas maging matibay ay isinusulong din ni Ong ang paglalagay sa GEL ID ng Bureau of Immigration number, tax identification number, la-rawan, kaarawan, employment name, address ng kanilang opisina at temporary residence.
Aniya, bago isyuhan ng GEL ID ang mga POGO worker ay tuturuan muna ang mga ito ng kultura ng Filipinas.
Napag-alaman na ang mga POGO worker sa bansa ay pumapasok bilang mga turista at saka nag-a-apply ng working visa. CONDE BATAC
Comments are closed.