POGO WORKERS WALANG PUWANG SA PINAS

MAHAHARAP sa matinding legal consequences ang mga foreign worker sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) industry na nananatili sa bansa sa kabila ng nationwide ban na nagsimula noong Dec. 31, 2024, babala ng Department of Justice (DOJ).

Sa isang statement, binigyang-diin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang paninindigan ng pamahalaan kontra POGOs makaraang ibunyag ng Bureau of Immigration (BI) na may 11,000 foreign POGO workers ang nananatili sa bansa sa kabila ng direktiba ng Pangulo na umalis sila ng bansa sa pagtatapos ng 2024.

Ang 11,000 indibidwal ay kinabibilangan ng mga nabigong boluntaryong i-downgrade ang kanilang visas o umalis ng Pilipinas noong nakaraang taon, gayunding ang mga nakapagpa-downgrade ng kanilang visas subalit hindi sumunod sa deadline.

Bilang tugon sa patuloy na pananatili ng POGO workers sa bansa, pinaigting ng BI ang pagtugis sa mga ito upang ipa-deport.

“The President is unequivocally clear that POGOs have no place here in the Philippines and we vow to give our all-out support for the sake and welfare of the Filipino people,” sabi ni Remulla.

“This administration stands firm in its resolve to intensifying its guerilla operations against non-compliant POGOs,” dagdag pa niya.

Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address noong July ng nakaraang taon, ipinag-utos ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. ang ban sa lahat ng POGOs, lehitimo man o hindi.

Ang desisyon ay sa harap ng pagkakasangkot ng POGOs sa iba’t ibang krimen tulad ng human trafficking, prostitution, abduction at murder. ULAT MULA SA PNA